Ang Aking Huling Talumpati

Lalallaa

Isang mapagpalang gabi po sa ating lahat. Ako po si Hazel Malazarte, sa mga hindi po nakakakilala sa akin, ako po ang dating kasintahan at kaibigan ni James Cruz. Bilang panimula, masasabi kong walang perpektong bagay sa mundo at wala ring kasiguraduhan pero hindi lingid sa ating kaalaman na mayroon tayong papatunguhan at mayroong dahilan ang lahat ngunit wala ni isa sa atin ang nakakaalam ng kahihinatnan.

Noong mga unang bahagi ng aming pagiging magkaibigan, nakatanggap ako ng liham mula sa kanya. Oo, kahit uso na ang Yahoo at Facebook noon (baka nga Friendster pa noong panahon na iyon), wala pa rin makakapagtalo sa isang sulat-kamay ng minamahal mo. Ang tema ng liham ay simple lamang, isang pagtatapat ng kanyang nararamdaman sa akin. Nakakatuwang isipin na may pagka-makata pala itong si James na agad nagpatibok ng aking puso. Hindi ko inaasahang ibigay kaagad sa kanya ang matamis kong oo pero naramdaman kong bumulong sa akin ang Panginoon at sabi:

“Anak, siya na”

At gayon na nga, nadala ako ng aking emosyon kaya nabanggit ko ang pinaka matamis kong oo sa kanya. Ayoko na ikwento  pa ang aming kwento ng pag-ibig dahil ito ay para sa amin lamang. Mamamatay kami dala itong storyang nakapag-pabago ng buhay ko. Mag-usap nalang tayo tungkol sa Math. Oo alam kong medyo bobo ako sa math (baka nga hindi pa medyo ee haha) pero mas gugustuhin kong pag-usapan ito kesa sa aming storya. Ayoko na muling buksan ang sugat na kasalukuyang gumagaling pa kaya pagpasensyhan niyo na ako kapag puro numero ang sasabihin ko. Hindi lingid sa ating kaalaman na pitong bilyon na tayo dito sa mundo at halos apat na bilyon ang mga kalalakihan. Akalain niyo iyon? Pinili ng Panginoon, ng tadhana na kami ay magkasalubong at magmahalan kahit sa sobrang iksing panahon. Kung ‘icocompute’ niyo ang porsyento kung gaano kalaki ang tsansa na magkasalubong ang aming landas baka 0.000000001% ang lumabas. Napaka imposible ang pagtatagpo namin ni James ngunit nagkatagpo pa rin kami. Tunay ngang intensyon ng Maykapal na kahit sa loob ng maliit na panahon kami ay nagsama at nagmahalan. Akalain mo iyon? Dalawang magkasalungat na tao ang pinagtagpo at pinagsama ng Panginoon at ayon, sa tingin ko ang pinaka gusto kong desisyon na ginawa sa akin ng Diyos. Gusto ko lang ipaalam sainyo kung gaano ako kasaya sa pagdating ni James sa buhay ko. Gaya nga ng sinabi ko, napaka-iksi ang pagsasama namin kumpara sainyo ngunit sa loob ng panahon na iyon, handa akong ipagpalit ang buhay ko para lang balikan yung mga panahon na kasama ko siya.

Bagama’t nagsasalita ako ngayon dito sa harap niyo bilang isang kasintahan at matalik na kaibigan ni James, masasabi kong umusbong ang aming samahan bilang mag-kasintahan hindi sa loob ng silid-aralan kundi sa labas ng paaralan. Kami ay nagpapalitan ng mga liham at tula noong mga panahon na iyon. Naaalala ko nga na dapat siya ay gagawa ng tula para sa akin ngunit nauwi nalang sa pag-harana sa akin. Handa din akong ipagpalit ang kahit ano mang bagay, marinig ko lang ang kanyang mala-anghel na boses.

Tandang tanda ko pa din ang binulong niya sa akin:

“Nakakalito kung titingnan, nakakabobo kung maramdaman. Pag-ibig nga ba ang nararamdaman o sadyang paghanga lamang?”

Pabiro niya sa aking binulong ito. Alam kong may gusto siyang ipahiwatig dito sa akin dahil sa panahong ito nagkaroon kami ng hindi maayos na pag-uunawa. Naguguluhan  ako sa nararamdaman ko sa kanya ngunit dito niyo purihin si James dahil hindi niya ako pinilit sa kahit anong bagay kumbaga parang punong-puno siya ng pasensya. Ewan ko ba sa kanya, lagi siyang nag-uumapaw na pasensya. Nilalagok niya ata iyon ee bago ako makita.

Si James ay napakabuting tao kaya hindi nakakapagtaka kung bakit kinuha na siya kaagad ng ating Diyos. Alam kong masasamang damo ay matagal na namumuhay sa mundong ito pero ang pinaka tinatanong ko sa aking sarili (Di ko kasi alam kung kanino itatanong). Bakit hindi man lang pinagbigyan ang aming pagmamahalan? Alam niyo ba akala ko ako may mauuna kesa sa kanya hindi dahil sa mas mabait ako sa kanya (dahil totoo naman iyon joke) kundi dahil may sakit ako sa puso. Dito napapasok ang konseptong hindi talaga natin hawak ang kinabukasan.

Ngunit meron sa aking puso ang bumubulong hindi pa tapos. Bilang isang ganap na Kristiyano, ang kamatayan ay hindi katapusan. Umaasa pa din akong magkasalubong ang aming landas kahit saglit lang dahil naniniwala akong hindi mo basta-basta mailalayo ang mahal mo sayo.

Hindi paalam ang nais kong ipahiwatig kay James kundi hanggang sa muli! Pero wag naman sa kaagad. Sa pagtatapos po, gusto kong masabi sa aking minamahal:

“James, alam kong nakikinig ka, alam kong nanunuod ka at alam kong nasa magandang lugar ka na, huwag na huwag mo akong kalilimutan! Mahal na mahal kita!”

— June 21, 2014 This is one of the requirements in my FIL13 class. (And also my final paper) I don’t even know where I got my inspiration upon writing this. I am just really glad that I got a perfect score.

#HVSM